

| Milyon Magra-Rally Pagkanta Ni Neri |
|
|
| Wednesday, 05 March 2008 | |
|
Tiyak na milyong katao na ang lalabas sa lansangan kapag inatasan ng Korte Suprema si Commission on Higher Education (CHED) chairman Romulo Neri na sabihin na ang lahat ng katotohanan sa likod ng pagpirma nito sa ZTE-National Broadband Network (NBN) contract. Ito ang ipinahayag ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva kahapon habang nasa gitna ng oral argument ang Korte Suprema hinggil sa petisyon ni Neri na gamitin ang executive privilege kaya tumatanggi itong dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa nasabing isyu. “Actually marami na ang sumama sa rally. Pero mas dadami pa iyan kapag na-compel na ng Supreme Court si Neri na magsabi ng totoo,” pahayag ni Villanueva sa TONITE. Sa ngayon aniya ay nagdadalawang-isip pa ang marami sa mga mamamayang Filipino na lumabas dahil hinihintay pa ang mga sasabihin ni Neri. “Mas magkakaroon ng linaw ang mga nagdadalawang-isip na manindigan at manawagan,” pahayag pa ni Villanueva kapag ikinanta na aniya ni Neri ang buong katotohanan. Ganito rin ang paniniwala ni Gabriela party-list Rep. Liza Maza dahil tanging ang mga sasabihin ni Neri aniya ang hinihintay ng mga tao para sumama sa panawagan na mag-resign na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga katiwalian sa kanyang gobyerno. “Malaki ang pag-asa sa Korte Suprema na mabigyan ng linaw ang bumabalot sa ZTE-NBN na pilit pinagtatakpan ng gobyernong Arroyo. Kapag nagsalita si Neri, malilinawan na ang taumbayan kung gaano kalala ang corruption sa gobyernong ito,” ani Maza. Samantala, malalaman ngayon kung papayag ang Senado sa panukala ng SC na padaluhin sa Senate hearing si Neri subalit malaya pa rin nitong magagamit ang executive privilege sa pag-iwas sa ilang sensitibong katanungan.Ito ay makaraang atasan ng SC ang Senado at ang kampo ni Neri na magsumite ng joint memorandum sa loob ng 24-oras upang mabatid kung pabor ang mga ito sa nasabing panukala. Sa oral argument na tumagal ng mahigit 8-oras ay nabitin pa rin ang nasabing isyu dahil hindi pa nakukuha ang consensus ng mga senador. Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetno, kailangan pang kunin ang opinyon ng mayorya ng Senado upang malaman kung tatanggapin ang panukala ng SC. Ayon naman kay Atty. Jose Maidas Marquez, tagapagsalita ng SC, pansamantalang suspendido ang pagdinig ng korte sa nasabing isyu hanggang wala pang pasya ang dalawang panig. “Doon sa mga hearing sa Senado, if Neri will invoke executive privilege he is free to do that but if the senators believe that questions asks were not covered with executive privilege, Neri can be finally be in contempt pero ‘yung arrest niya will be suspended,” ani Marquez. Sinabi pa ni Marquez na ang mga tanong na hindi sasagutin ni Neri alinsunod sa executive privilege ay iaakyat sa SC na siyang magdedetermina kung lehitimo ang pagkakagamit nito. Source: Abante-Tonite by Bernard Taguinod/Grace Velasco, March 5, 2008 |
|
| Last Updated ( Wednesday, 05 March 2008 ) |
| < Prev | Next > |
|---|