
| ON EVAT |
|
|
| Friday, 11 July 2008 | |
|
Dahil usap-usapan na naman po ang E-VAT, narito ang isa sa mga naisulat kong opinyon tungkol sa dagdag na buwis na ito na nailathala sa isang peryodiko noong Enero 2006. "EVAT, ASO, AT LEYON" Ang "Ang Aso at ang Leyon" ay isang pabula ng mga Maranaw. Sa pagsasaliksik ni Dr. Abdullah Madale, ipinakikilala ng pabulang ito ang Leyon na ipinagbubunying hari ng kagubatan. Gutom at puyat ang karakter nito. Nagsimula ang kwento ng minsang naglalakad ang Leyon sa maputik na daan nang matanaw ang isang namumutlang Aso na kung may pagkakataon lang sanang makatakbo sa isang ligtas na lugar ay ginawa na niya. Nanginginig ang Aso nang umungol ang Leyon na siya’y nagugutom at ibig siyang maging pagkain. Natapos ang pabula na dagling lumayo ang Leyon, naisip na hindi na siya kasintapang tulad noon. Umalis siyang sukbit ang buntot sa katawan. Patuloy namang umalingawngaw ang tawa ng Aso. Sa pagpapatupad ng Expanded Value Added Tax o EVAT, mistulang nag-uumpugang mga bato ang gobyerno, ang mga konsyumer, at ang sektor ng negosyo sa isa’t isa. Hindi maitatangging sa isyu ng EVAT, hindi natamo ang "synergy" ng iba’t ibang mga sektor ng lipunan. Naisip ko tuloy, sadya yata talagang napakahirap pag-isahin ang sambayanan kapag may kuwestiyon sa legitimacy ang pinuno ng bayan. Lumutang ang mga pros at cons. Ipinaglaban namin ito sa kamara, pilit hinarang ang tila kidlat sa bilis na pagpasa ng EVAT, subalit tila batas din sa kagubatan ang nasunod bandang huli, matira ang matibay. Ang resulta, pinalawig ng Republic Act 9337 o ang batas sa pagrere-istraktura sa VAT ang sakop nito at tumaas mula sampu hanggang labindalawang porsyento ang buwis na binabayaran ng mga mamimili. Nagtatanong pa rin ang taumbayan hanggang ngayon – "EVAT…eh ba’t pa nga ba kasi?" Ang EVAT ay manipestasyon na mabangis ding tulad ng Leyon ang gobyerno, pati ang mga pinakamaliliit sa lipunan ay nilalapa. Manhid, walang pasintabi, walang pakundangan, ‘ika nga. Mahigpit na ang sinturon at kakapusin na sa hininga ang taumbayan kung pipilitin pa itong higpitan. "Bitter but necessary pill" daw kasi ang EVAT. May liwanag din daw sa dulo ng lagusan. Mag-sakripisyo na lamang daw muna ngayon. Baluktot ang katwirang ito sa aking pagninilay. Ang bawat daing ng ating mga kabababayan ngayon ay patunay na kabalintunaan ang sabihin na ang EVAT ay magsasalba sa ekonomiya ng bansa sa hinaharap. Bagamat matagal nang adyenda ng bayan ang isyu ng EVAT, hindi pa rin tapos ang tila roller-coaster ride ng mga pagtatalo hinggil dito. Nakikipag-boksing pa rin sa kongreso ang House Bill 4716 na naglalayong i-repeal ang RA 9337. Kundanga’t hindi pa nagkasya ang gobyerno sa dating batas na ipinatutupad nito sa VAT. Sa totoo lang, bigo kasi ang gobyerno sa koleksiyon nito ng VAT noong mga nakaraang taon. Noong taong 2003, sa 279 bilyong pisong potential VAT collections, 136 bilyong piso lamang ang nakolekta ng Bureau of Customs at ng Bureau on Internal Revenue. Dagdag pa, tinatayang 24.64% kada taon mula 1992 hanggang 2003 ang leakage mula sa VAT collections ayon sa National Tax Research Center. Samakatuwid, umaabot sa 30.7 bilyong piso bawat taon ang kakulangan sa target collections na 111.06 bilyong piso mula sa VAT. Sayang na halaga! Hindi na sana kailangang maghigpit pang lalo ng sinturon ang mga mamamayan dahil sa RA 9337. Walang dudang ang kalidad ng pamumuhay ni Juan dela Cruz ay naapektuhan ng halos hindi na maabot na presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Sa napipintong implementasyon ng pagtaas sa dose posyento ng bayarin sa VAT, siguradong marami ang mahihilo sa kakabadyet lalo na sa bayarin sa kuryente at mga produktong petrolyo. Si Gng. Arroyo na rin ang nagsabi: "Imoral ang walang sawang pagtatamasa ng mayaman at makapangyarihan habang paunti nang paunti ang itinitira sa dukha. Imoral ang pagkamanhid at katiwalian ng pamahalaan samantalang kinakapos ang mahirap sa gamot, paaralan, tirahan at tubig." Ang EVAT ay isang mapagsamantalang instrumento upang paliitin nang paliitin ang itinitira sa mga naghihikahos nating mga kababayan. Sukbit sa katawan ang buntot na umalis ang Leyon sapagkat sinikap umisip ng paraan ng Aso. Isang pagkakataong napaglalangan ng Aso ang hari ng kagubatan. Marahil, malayo pa ang ating kalagayan sa kwentong ito ng mga Maranaw. Subalit ang sunud-sunod na panggi-gipit sa taumbayan ay udyok na patungo na nga tayo sa kuwentong ito. |
|
| Last Updated ( Saturday, 19 July 2008 ) |
| < Prev | Next > |
|---|