|
Ngayong inilatag na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang baraha sa Charter Change (ChaCha), naghahanda naman ang mga miyembro ng oposisyon para biguin ito.
Ito ang napag-alaman kay CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva matapos ibato ni Arroyo ang suporta sa Federal System of Government dahil ito ang nakikita umano nitong paraan para matapos na ang kaguluhan sa Mindanao.
“Hindi porke tinutulak na niya ay mangyayari ‘yan. Maraming pagdadaanan na lehitimong proseso ‘yan. Ang problema, ay bagsak ang trust rating ni PGMA, mahihirapan ang administrasyon na kumbinsihin ang bayan na hindi ito vested interest lang ni Mrs. Arroyo para sa kanyang political immortality,” ani Villanueva.
Sa panig naman ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson, hindi na ito nagulat sa pagtutulak ni Arroyo sa federal government dahil noon pa man aniya ay kating-kating na ang gobyerno na amyendahan ang Saligang Batas.
“Sabi ko sa inyo noon, baka drama lang iyan para sa ChaCha at eto parang nangyayari na,” ani Joson.
Maging si Gabriela party-list Rep. Liza Maza ay nagsabi na hindi papayag ang sambayanan na maamyendahan ang Saligang Batas hangga’t nasa poder si Arroyo.
Para sa lady solon, walang kasiguraduhan na bibitawan na ni Arroyo ang Malacañang pagkatapos ng kanyang termino sa 2010 kapag nagtagumpay itong maamyendahan ang Saligang Batas, kaya kanila itong tututulan.
Samantala, kinantyawan ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson si presidential adviser on peace process Hermogenes Esperon katulad ang alegasyong naboladas ni Mrs. Arroyo sa ChaCha at mag-isang naniniwalang lulusot ang plano ng kanyang amo.
Habang si Senate minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., ay minaliit ang kaalaman ni Esperon para magmarunong sa charter change.
“’Di naman papayagan ng Senado, Kongreso o ng mga tao. During so many times in-attempt nila napakalakas ng opposition. It’s just Sec. Esperon speaking, I don’t think that should be taken seriously,” ani Lacson.
“Si Esperon hindi na dapat sumali sa mga usaping tungkol sa political structures. Palagay ko No. 1 hindi naman s’ya qualified dun,” ani Pimentel.
Nauna rito, sa harap ng bisitang foreign leader sa katauhan ng Presidente ng Switzerland na si Pascal Couchepin ay inilutang ni Pangulong Arroyo kahapon ang pagsusulong ng pederalismo partikular sa rehiyon ng Mindanao.
Sa luncheon meeting sa pagitan ng dalawang lider sa Malacañang, sinabi ni Arroyo na isa ang Switzerland sa modelo ng Pilipinas sa pederalismo at malaking tulong ito upang maisulong ang pederalismo sa Mindanao at makamit ang kapayapaan dito.
“We thank the Swiss government not only for the values of freedom and civil rights that are enshrined in its culture but also for its willingness to share in its experience of federalism ... We advocate federalism as a way to ensure long-lasting peace in Mindanao,” ani Arroyo.
Inamin naman ni Press Secretary Jesus Dureza na ang muling pagpapalutang sa usapin para isulong ang pederalismo ay para sa paglikha ng Bangsamoro Juridical Entity sa Mindanao at hindi sa buong bansa.
Aniya pa, walang ibang motibo ang muli nilang pagsusulong ng pederalismo at hindi totoo na nakapokus ito para sa term extension ng Pangulo.
Source: Abante-Tonite, by Bernard Taguinod, Rey Marfil at Rose Miranda, August 12, 2008
|