

| Top advisers pinauuna sa revamp |
|
|
| Monday, 05 January 2009 | |
|
Kung mayroong dapat unahing sibakin sa umano’y revamp sa gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ito’y walang iba kundi ang kanyang mga top adviser na nagbibigay sa kanya ng maling payo. Ito ang reaksyon ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva sa panukalang performance audit sa gabinete upang makapag-iwan ng magandang alaala sa publiko. “Dapat unahin na I-revamp ang kanyang top advisers kasi sila ang nagbibigay ng maling payo sa Pangulo. Nagkawindang-windang ang bansa natin dahil sa kanila,” pahayag ni Villanueva. Walang mabanggit na pangalan si Villanueva kung sinu-sino ang mga top adviser ni Arroyo dahil pawang mga confidential ang mga ito subalit sila ang may malaking kasalanan umano kung bakit marami ang nagugutom, hindi napapanagot ang mga magnanakaw at tuloy ang pang-aabuso ng gobyerno sa kanilang kapangyarihan. Maging ang mga non-performing secretaries ay dapat na rin umanong paalisin sa kanilang puwesto dahil kung hihintayin ang kusang pagre-resign ng mga ito ay malabo umanong mangyari. Hindi na aniya kailangang mabanggit ng pangalan dahil mismong si Arroyo ay alam kung sinu-sino ito. Samantala, inirekomenda kahapon ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero kay Pangulong Arroyo na ipairal ang three-strike policy sa mga miyembro ng gabinete bago ito sipain sa puwesto. Isinulong ito ni Escudero bilang karagdagang ngipin sa performance audit na ipinanukala ni House Speaker Prospero Nograles para sa mga miyembro ng gabinete. Ayon sa senador, sang-ayon siya sa panukala ni Nograles dahil dito makikita kung sino talaga ang mga nagtatrabaho ng maayos sa gabinete. Gayunman, wala naman umano silang kapangyarihan para sipain sa puwesto ang mga makukupad na cabinet member dahil nasa kamay ito ng Pangulo. Source: Abante Tonite by Bernard Taguinod/Boyet Jadulco, January 3, 2009 |
|
| Last Updated ( Monday, 05 January 2009 ) |
| < Prev | Next > |
|---|