CIBAC Party List
Citizens' Battle Againts Curruption
Chiz: Hindi ko pa panahon! PDF Print
Wednesday, 25 November 2009

“One word. Nakakahinayang. Personally alam ko ang karakter at kapabilidad ni Chiz and I am sure he knows what he’s doing and I know it was a good decision at least for him,” reaksyon ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva sa pag-atras ni Escudero sa presidential at vice presidential race.

 “Marahil hindi ito ang tamang panahon para sa akin.”

Ito ang naging dekla­rasyon ni Senador Francis Chiz Escudero III, kasabay ng paghayag nito sa kanyang pag-atras sa presidential race, maging sa posibleng pagtakbong bise presidente ngayong 2010 national elections sa Kalayaan Hall ng Club Filipino sa Greenhills, San Juan City kahapon ng umaga.

“Para sa akin panguluhan lamang ang aking nasa isip subalit hindi ko ito hahanapin at kukunin kung sa proseso ng pagkuha nito mawawala po ang aking sarili’t kaluluwa. Hindi ko rin kayang gawin ang dapat at gusto kong gawin at kung makakain lamang ako ng sistema,” ani Escudero.

Ayon pa kay Escudero, nagkaroon umano ng big­laang pagbabago sa kanyang desisyon sa political career noong mamatay si dating Pangulong Corazon Aquino, at kanyang makita ang bumubuhos na simpatya ng publiko na ituloy ang laban ni Senator Benigno ‘Noynoy’ III Aquino.
Hindi biro ang pagpapasyang huwag nang tumuloy sa presidential race, ayon kay Escudero dahil lahat aniya ng mga agam-agam, ito’y pumapasok sa kanyang isipan, kabilang ang posibleng kainin ng sistema kapag nakarating ng Malacañang.

“Akala ko magiging madaling desisyon pero hindi pala. Akala ko napakadali ang magiging pasya pero hindi pala,” ani Escudero.


Tutulong sa 2010 elections


Maliban sa pagiging senador, asahan aniyang meron magandang papel na gagamapan ang isang Chiz Escudero ngayong 2010 national elections upang matupad ang inaasam na pagbabago ng publiko.

“Napagpasyahan ko na hindi man bilang kandidato, ako’y may papel na puwedeng gampanan bilang Pilipino at ordinaryong botante sa panahong ito. Napagpasyahan ko na hindi lang ngayon ang panahon para matupad ang pinanghahawakan kong pangarap at layunin kong panguluhan nang hindi nakatali. Patuloy kong panghahawakan ang pangarap at pangakong iyan. Hindi man ngayon kundi sa darating na panahon,” ani Escudero.


Campaign manager ng LP


Matapos ang pag-atras nito sa presidential derby, inalok ni Sen. Mar Roxas si Chiz upang maging campaign manager ng presidential bid ni Sen. Noynoy Aquino III sa Liberal Party (LP).

Kinumpirma ni Roxas na inalok na kay Escudero ang puwesto para maging campaign manager ng LP, upang sa gayon ay lalong mapagtibay ang kanilang tsansa sa 2010 presidential elections.

Ang campaign manager ngayon ng LP ay si dating Education Secretary Flo­rencio ‘Butch’ Abad, subalit ipinahayag nito na handa siyang magbigay-daan kay Chiz, para sa ikakapanalo ng tambalan nina Noynoy at Mar.


Hinayang at papuri


Marami rin ang nanghihinayang sa naging desisyon ng senador.

“One word. Nakakahinayang. Personally alam ko ang karakter at kapabilidad ni Chiz and I am sure he knows what he’s doing and I know it was a good decision at least for him,” reaksyon ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva sa pag-atras ni Escudero sa presidential at vice presidential race.

Nakuha naman ang respeto mula sa dating partido ni Escudero, ang Nationalist People’s Coalition (NPC) dahil ipinakita umano ng senador ang kanyang “maturity” nito sa pulitika nang magpas­yang iatras ang kanyang ambisyon.

(RMarfil/NFerriol/BJadulco/RMiranda/BTaguinod/DMatining)

 

SOURCE:   ABANTE   Wednesday   November 25, 2009

 

Last Updated ( Wednesday, 25 November 2009 )
 
< Prev   Next >
Copyright © 2005-2010 CIBAC. All rights reserved.