CIBAC Party List
Citizens' Battle Againts Curruption
FVR: ALIS DAPAT SI GLORIA! PDF Print
Thursday, 03 December 2009

“Wala sigurong nakaisip na may kayang gumawa nito sa kabila ng nakakaasiwang sitwasyon,” anang solon [Rep. Joel Villanueva]

Pinagbibitiw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa puwesto dahil sa desisyon nito na kumandidato bilang kongresista sa Pampanga.

“My understanding of that particular aspect of governance is that as President, you must resign your position,” ani Ramos sa isang media briefing sa Ninoy Aquino Internatio­nal Airport (NAIA) nang matanong hinggil sa desisyon ni Arroyo.

Sambit ni Ramos, kahit hindi ipinagbabawal ng batas ay dapat na magbitiw si Arroyo sa ngalan ng delicadeza upang maiwasan ang espekulasyon na ginagamit nito ang puwesto upang maisulong ang kandidatura bilang mam­babatas.

Kinuwestiyon din ni Ramos ang mahigit sa 50 beses na pagbisita ni Arroyo sa Pampanga nga­yong taon lamang samantalang madalang lamang umano ito na makadalaw sa Mindanao na higit na nangangailangan ng kalinga ng Pangulo ng bansa dahil sa ‘peace and order situation’ nito.

Ayaw namang patulan ni Executive Secreta­ry Eduardo Ermita ang paha­yag ni Ramos bilang res­peto umano sa da­ting li­der ngunit kung si Atty. Romulo Macalin­tal na siyang election lawyer ni Arroyo ang tatanu­ngin ay wala umanong dahilan upang magbitiw sa puwesto ang Chief Executive dahil pinanindigan nito na ang pagkandidato nito ay hindi ipi­nagbabawal ng anumang umiiral na batas.
Ngunit nang matanong hinggil sa isyu ng delicadeza, sinabi ni Ermita na hindi dapat na butasan ang bawat intensyon ni Arroyo lalo na’t wala naman umano itong masamang motibo kundi ang pagbigyan ang hiling ng kanyang mga kababayan sa Pampanga.

Gayunpaman, ngayon pa lamang ay inuunahan na ni Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros na babagsak lang sa tengang-kawali ng Pangulo ang panawagan ni Ramos dahil kahit pa umano buong Pilipinas pa ang manawagan para bumaba ang Pangulo habang kumakandidato ay dededmahin lamang ito.
Ngunit may banta ang lady solon. “Kung magbibingi-bingihan o kundi siya makikinig, magkakaisa ang taumbayan para kasuhan siya sa Comelec para ma-disqualify siya,” anang text message ni Hontiveros.

Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Luzvimin­da Ilagan, dahil determinado umano ang Pangulong Arroyo na tumakbo, lalo nitong kakapalan ang kanyang mukha at tatakpan lamang ang magkabilang tenga nito para hindi mapa­kinggan ang panawagan ng taong magbitiw siya.

“Lalabanan namin ito at nakikita ko na magyu-unite ang oposisyon para pigilan siya sa kanyang ambisyon,” paniniyak naman ni Anakpawis party-list Rep. Joel Mag­lunsod.

Kantyaw naman ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson, “Milagro na lang iyon kapag nangyari kasi death before resignation ang battle cry ng Pangulong Arroyo.”
Para kay CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva, marami talaga ang nasorpresa nang totohanin ni Arroyo ang matagal nang ugong. “Wala sigurong nakaisip na may kayang gumawa nito sa kabila ng nakakaasiwang sitwasyon,” anang solon.

Sa panig ni Makati City Mayor at vice presidential candidate Jejomar Binay, isang maliwanag na pagpapakita na “obsessed” diuamno sa kapangyarihan si Arroyo dahil bistado naman umano na pagka-Prime Minister ang tunay nitong puntirya sa pagtakbo pa-Kongreso.

“The congressional seat is just a launching pad to the Speakership, and from there, to the post of Prime Minister under a parliamentary form of government,” ayon kay Binay.

Sa panig naman ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson, kung ang habol ng Pangulo sa pagsabak sa congressional race ay para matakasan ang patung-patong na kasong bubuntot sa kanya ay nagkakamali umano ito.

Ayon kay Lacson, kahit pa umano tumakbo at mahalal na kongresista si Arroyo ay hindi nito matatakasan ang mga isasampang kaso at oras na mapatuna­yan sa korte ay maaari pa rin itong ikulong kahit pa nakaupo sa bagong puwesto.  

“Ang immunity ng congressman at senador, kung may regular session at kung 6 years or less ang penalty. So ‘di absolute ang immunity. Kung halimbawa makasuhan siya ng plunder which is a capital offense, ‘di masasakop ng immunity ‘yan. At saka immunity lang from arrest,” ani Lacson.

Mula pa rin sa Kamara, sinabi ni Ilocos Norte Rep. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., isa sa senatorial bet ni Nacionalista Party (NP) standard bearer Manny Villar, na hindi naman umano malayong patulan na rin ni Arroyo pati ang pagka-barangay tanod huwag lamang mawala sa kapangyarihan.

“Baka sa susunod ‘pag natapos na term sa Congress pati barangay tanod patulan niya (Arroyo). Na­kakahiya ‘ata. Sana konting delicadeza naman,” ani Marcos sa isang text message.

(ROSE MIRANDA, DINDO MATINING, ERALYN PRADO, REY MARFIL at BERNARD TAGUINOD)  SOURCE:  ABANTE   Thursday   December 3, 2009   

Last Updated ( Thursday, 03 December 2009 )
 
< Prev   Next >
Copyright © 2005-2010 CIBAC. All rights reserved.