CIBAC Party List
Citizens' Battle Againts Curruption
KAALYADO KAMI NG GOBYERNO! -- AMPATUANS PDF Print
Wednesday, 13 January 2010

Bagama’t lumalamig na ang isyu ng Maguindanao massacre, sinabi ni CIBAC partylist Rep. Joel Villanueva na hindi ito kailanman bibitawan ng sambayanang Filipino hanggang sa pagbaba ng hatol dahil lubha itong karu­mal-dumal para basta lang makalimutan. 

Ilang miyembro ng Ampatuan clan at iba pang co-accused sa kasong rebelyon ang nagsabing hindi sila mga rebelde bagkus ay kaalyado sila ng gobyerno.

Sa naganap na preliminary investigation kahapon sa Department of Justice (DOJ) ay pawang nagsipaghain ng kani-kanilang counter affidavit sina Datu Saudi Ampatuan town Mayor Datu Saudi Ampa­tuan Jr., Datu Odin Sinsuat town Mayor Ombra Sinsuat at Barira town Mayor Alexander Tumawis, iginiit ng mga ito na hindi sila dapat na kasuhan ng rebel­yon dahil hindi nila plano o nais na mag-aklas laban sa pamahalan.

Matatandaan na nang magdeklara ng Martial Law si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Maguindanao ay may 600-katao ang inaresto at kinasuhan ng rebelyon, ang mga matataas na ka­libre ng baril na nakumpiska sa mga Ampatuan ang ebidensyang ginamit ng pamahalaan para patuna­yan ang pla­nong pag-aaklas.

Bilang patunay na ka­alyado sila ng pamahalaan ay nagsumite sina Ampa­tuan, Sinsuat at Tumawis ng certificate mula sa Phi­lippine National Police Intelligence at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapatunay na hindi siya kalaban ng pamahalaan.

Sinabi ng abogado ni Sinsuat na si Atty. Gabriel Enriquez na pamumulitika lamang ang layon ng pagsasangkot sa kanyang kliyente sa rebelyon dahil tatakbo rin itong gobernador sa darating na halalan.

Maliban sa tatlo ay wala na sa 600 respondents na kinasuhan ng rebelyon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nakapagsumite ng kanilang counter affidavit kahapon kung kaya’t binigyan pa ito ng DOJ panel ng hanggang sa Enero 22 para maghain ng kanilang affidavit at sakaling mabigo ay submitted for resolution na umano ang reklamo.

Samantala, dumalo rin sa nasabing pagdinig si Buluan Vice Mayor Ismael ‘Toto’ Mangudadatu kung saan hiniling nito sa panel na matanggal sa charge sheet ang 10-katao na napagkamalan lamang umanong supporters ng mga Ampatuan bagkus kaalyado ng mga Mangudadatu clan.

Abswelto ako basta ‘fair trial’ – Andal Jr.

Naniniwala naman si Datu Unsay town Ma­yor Andal Ampatuan Jr., na inakusahang nasa likod ng naganap na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, na maabsuwelto at mananalo siya sa kaso kung bibigyan siya ng parehas na pagdinig sa kasong multiple murder na isinampa laban sa kanya ng pamilya ng mga pinaslang na biktima.

Sa pagharap ni Ampatuan sa mga mamamahayag sa National Bureau of Investigation (NBI) jail, sinabi ni Andal Jr., na alam umano ni Allah na siya ay inosente sa ibinibintang sa kanya.

“Isa lang ang hinihiling ko, fair trial lang. Alam ko 100 percent mananalo ako kung bibigyan lang ako ng fair trial. Ito ang hinihiling ko sa gobyerno at sa huma­hawak ng kaso ko,” ayon sa akusado.

Hiling din umano ng alkalde na lumantad na ang tunay na nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

“Napagbintangan lang ko dito. Wala akong kasalanan. Lumabas na dapat ang may kasalanan,” wika pa ng alkalde.

Bagama’t lumalamig na ang isyu ng Maguindanao massacre, sinabi ni CIBAC partylist Rep. Joel Villanueva na hindi ito kailanman bibitawan ng sambayanang Filipino hanggang sa pagbaba ng hatol dahil lubha itong karu­mal-dumal para basta lang makalimutan.

Sa isyu naman ng live media coverage, sinabi ni Supreme Court (SC) spokesman Atty. Midas Marquez na kung pagbabatayan ang isang jurisprudence o naunang desisyon ng Korte Suprema ay malabo nang mapagbigyan ang hiling na live media coverage sa Maguindanao massacre case.

Ang tinutukoy ni Marquez ay ang October 22, 1991 ruling ng SC sa kasong libelo ni yumaong Pangulong Corazon Aquino laban sa yumaong ko­lumnistang si Luis Beltran kung saan hindi pinayagan ang live media coverage sa buong paglilitis bilang proteksyon sa defendant. Sa kaso ng mga Ampatuan ay maaari umanong igiit ng mga ito ang proteksyon naman sa karapatan ng mga respondents.


SOURCE:   ABANTE  Nina TINA MENDOZA, JULIET DE LOZA at BERNARD TAGUINOD, January 13, 2009   Wednesday


Last Updated ( Wednesday, 13 January 2010 )
 
< Prev   Next >
Copyright © 2005-2010 CIBAC. All rights reserved.