CIBAC Party List
Citizens' Battle Againts Curruption
Pinoy kinokondisyon sa failure of election PDF Print
Monday, 01 February 2010
Nakasalalay ang reputasyon ng buong Comelec bilang isang institusyon sa darating na automated elections. Alam nating lahat na mababa ang tiwala ng tao sa kanila since ‘Hello Garci’ scandal kaya ibabagsak pa nila lalo ito kapag pumalpak ang automation,” ani [Rep. Joel] Villanueva.

Kinastigo ng isang kongre­sista ang Commission on Elections (Comelec) dahil pilit na ikinokondisyon umano ang taumbayan na tanggapin na aabot ng hanggang 30% ang kabiguan ng automation.

“Ang baba naman ng tingin nila sa atin na hindi nila kayang pangakuan ng 100% na tagumpay ang automation,” pahayag ni CIBAC party-list Rep. Joel Villa­nueva dahil wala umanong silbi ang nasabing programa kapag nagkataon.


Nananalangin ang kongresista na hindi kasama sa plano ng mga gahaman sa kapangyarihan na biguin ang poll automation dahil kapag nagkataon ay mag-aaklas umano ang taumbayan.

“Huwag naman sanang kasama sa paghahanda sa automation ang plano na hindi ito magtatagumpay,” babala pa ni Villanueva dahil kapag nagkataon aniya ay hindi mapapalitan ang kasalukuyang gobyerno.

Sinabi pa ni Villa­nueva na lalong guguho ang tiwala ng publiko sa Comelec kapag pumalpak ng tuluyan ang election automation sa Mayo dahil sa iba’t ibang problema na nakikita ngayon pa lamang sa kanilang precinct count optical scan (PCOS) machines.

Ayon kay Villanueva, ang halalan sa Mayo ang magiging batayan kung maka­kabangon ang Comelec mula sa pagkakalugmok sa mga nakaraang halalan dahil sa katiwalian at dayaan.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi pa tuluyang nakakabawi ang Comelec sa isyu ng “Hello Garci” scandal kung saan ang kanilang commissioner noong 2004 presidential election na si Virgilio Garcillano ay inakusahang tumulong kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para dagdagan ang botong nakuha kaya ito nanalo.

“Nakasalalay ang reputasyon ng buong Comelec bilang isang institusyon sa darating na automated elections. Alam nating lahat na mababa ang tiwala ng tao sa kanila since ‘Hello Garci’ scandal kaya ibabagsak pa nila lalo ito kapag pumalpak ang automation,” ani Villanueva.

Isa sa mga opsyon umano para maibalik ang tiwala ng publiko sa sistema ng halalan ay ang pagbuwag sa Comelec kapag pumalpak ang automation.

“Kapag pumalpak ang automation ngayong Mayo, mawawalan ng trabaho ang mga taga-Comelec pag pumalpak ulit sila dahil ang taumbayan mismo sa tingin ko ang sisisante sa kanila,” dagdag pa ni Villanueva.


SOURCE:   ABANTE-TONITE  
Ni Bernard Taguinod, January 31, 2010   Sunday
      
 
< Prev   Next >
Copyright © 2005-2010 CIBAC. All rights reserved.