Pinoy ipinatalo na ni Neri
Tuesday, 01 September 2009

"Baka kaya si Neri ang napiling kasuhan kasi malalim at matatag ang kapit ni PGMA sa loyalty ni Neri. Isipin mo ‘yung hanggang hukay, papano ba naman makakapag-compete ang kawawang si Juan dela Cruz sa ganyang klase ng loyalty kay Gloria at FG (First Gentleman Mike Arroyo)?" ani Villanueva.

Sa pahayag ni dating National Economic Development Authority (NEDA) director general at ngayo’y Social Security System (SSS) president Romulo Neri na dadalhin niya hanggang sa hukay ang pinag-usapan nila ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo patungkol sa naunsyaming NBN-ZTE deal, walang ibang ipinatalo ang opisyal kundi ang buong sambayanan.

Ito ang reaksyon nina CIBAC partylist Rep. Joel Villanueva at Akbayan partylist Rep. Risa Hontiveros.

Ang pinoprotektahang pag-uusap nila ng Pangulo ay ang naibuyangyang na rin nitong pagsusumbong niya sa Chief Executive sa diumano’y pag-aalok sa kanya ni dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos ng ‘pera’ kapalit ng pagpayag niya na maisulong ang NBN-ZTE broadband deal.

Matatandaang kaliwa’t kanan ang pag-uudyok kina Neri at Abalos na bumitaw na sa pagtatakip sa Malacañang at iladlad na ang lahat ng kanilang nalalaman ngayong inilaglag na silang dalawa matapos pakasuhan ng Ombudsman sa kontrobersyal na $329 milyong kontrata.

Ngunit binigo ni Neri ang pag-asam ng marami nang sabihin nitong hindi siya magsasalita hinggil sa naging pag-uusap nila ng Pangulo at dadalhin umano niya ito hanggang sa kanyang hukay.

"Baka kaya si Neri ang napiling kasuhan kasi malalim at matatag ang kapit ni PGMA sa loyalty ni Neri. Isipin mo ‘yung hanggang hukay, papano ba naman makakapag-compete ang kawawang si Juan dela Cruz sa ganyang klase ng loyalty kay Gloria at FG (First Gentleman Mike Arroyo)?" ani Villanueva.

Umaasa aniya ang taumbayan na mas papanigan ni Neri ang interes ng publiko subalit muli silang nabigo sa dating NEDA chief kahit mistulang inilaglag na ito ng Malacañang maisalba lamang ang mag-asawang Arroyo.
Sa panig naman ni Hontiveros, sinabi nito na "mala-mafia" ang mga statement ni Neri na hindi magsasabi ng totoo hinggil sa kanyang kinasasangkutang sindikato hanggang sa kanyang hukay.

Nagtataka rin ang lady solon na tanging sina Neri at Abalos lamang ang pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayan na mayroon umanong probable cause ang reklamong isinampa laban sa kanila gayong marami pa silang kinaladkad sa asunto.

Sa Senado, hindi naman nawawalan ng pag-asa si Sen. Alan Peter Cayetano dahil naniniwala ito na kung pabibigatin ang kaso ni Neri ay mapipilitan din itong magsalita.

"Ang tingin ko may threat pa rin o may kasama pa ring assurance sa kanila," ani Cayetano.

Mula sa Malacañang, sinabi ni Press Sec. Cerge Remonde na handang sumunod ang palasyo sa utos ng Ombudsman na suspendehin muna si Neri sa kanyang posisyon bilang SSS head matapos nilang iakyat ang kaso laban dito.

SOURCE:   ABANTE   (Bernard Taguinod/Boyet Jadulco/Tina Mendoza) August 30, 2009

Last Updated ( Tuesday, 01 September 2009 )